Ni ESTONG REYES
MATAPOS hirangin bilang tagapangasiwa ng yaman ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na itinatag ni Pastor Apollo Quiboloy, target ng senado isalang sa imbestigasyon si dating Pangulo Rodrigo Duterte.
“Posible. Titimbangin namin ‘yun. Pero sigurado ang masasabi ko sa ngayon na siya ay in-appoint na administrator, eh, lumalabas talagang magkasosyo sila sa pagmamay-ari kung hindi man sa pagnenegosyo,” pahayag ni Senador Risa Hontiveros.
“Kasi hindi naman siguro ia-appoint ni Quiboloy bilang administrator ng kanyang hindi kakaunting pagmamay ari ang isang taong walang-walang kinalaman sa mga pagmamay-aring ‘yun,” dugtong ni Hontiveros.
Bukod kay Duterte, kabilang din sa mga nais isalang ng senador ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) para siyasatin ang di umano’y “money laundering schemes” ng KOJC founder.
Petsang Marso 5 nang patawan ng contempt si Quiboloy bunsod ng kabiguan siputin ang subpoena ng komiteng nagsisiyasat sa mga kasong ibinabato sa kontrobersyal na pastos. Hiniling na rin ng militanteng mambabatas na maglabas ng warrant of arrest kay Quiboloy.
Ayon pa kay Hontiveros, ang pagtatalaga kay Duterte bilang administrator ay nangangahulugan lang na talagang napakalaki ng pag-aari ni Quiboloy at ng KOJC.
Nobyembre 2021 nang sampahan ng mga kasong sex trafficking, child sex trafficking at bulk cash smuggling si Quiboloy na higit na kilalang malapit na kaibigan ng mga Duterte.
Pasok na rin sa most wanted ng US Federal Bureau of Investigation ang pastor.
