TILA walang katapusan ang nabibistong bulilyaso sa likod ng kontrobersyal na confidential funds ni Vice President Sara Duterte matapos lumutang ang bagong talaan ng mga pekeng benepisyaryo.
Partikular na tinukoy ni House Deputy Majority Leader Rep. Paolo Ortega (La Union) ang aniya’y anomalya sa paggastos ng nasa P612.5-milyong confidential funds na inilaan para sa Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan ni Duterte.
Kabilang aniya sa mga bagong natuklasan pangalan ay sina Honeylet Camille Sy, Feonna Biong, Feonna Villegas, Fiona Ranitez, Ellen Magellan, Erwin Q. Ewan, Gary Tanada, at Joel Linangan.
Pagbibigay-diin ng ranking House official, hango sa pangalan ng kilalang mga personalidad sa bansa ang mga pekeng benepisyaryo.
Tahasang sinabi ni Ortega na ang paulit-ulit na paggamit ng mga kaduda-dudang pangalan para bigyang katwiran ang paggastos ng confidential funds ng bise presidente ay nagpapalakas sa hinala ng publiko na sinadya sa hangaring ikubli ang kinapuntahan ng pondo.
“Hindi nakakatawa ang paulit-ulit na paggamit ng mga pekeng pangalan na parang hinugot mula sa sine at showbiz,” saad pa ng La Union solon.
Naniniwala si Ortega na hindi na umano mukhang aksidente ang pag-uulit na paggamit at pagiging malikhain sa pagpili ng gagamiting mga pangalan, at maaaring bahagi na aniya ng sistematikong pagtatangkang takpan ang mga transaksyon gamit ang confidential funds.
“Public funds ang pinag-uusapan. Kung wala silang maipakitang ebidensya na tunay ang mga taong ito, ito mismo ang magiging matibay na ebidensya laban sa kanya sa impeachment trial,” giit ng mambabatas,
Tulad ng naunang mga pangalan na pinuna, sinabi ni Ortega na ang bagong batch ng mga pangalan ay wala ring sa anumang opisyal na rekord ng kapanganakan, kasal, o kamatayan sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sina Honeylet Camille Sy, Feonna Biong, Feonna Villegas, at Joel Linangan ay nakalista umano sa mga tumanggap ng P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), habang sina Fiona Ranitez, Erwin Q. Ewan, Ellen Magellan, at Gary Tanada ay nakalista sa mga binigyan ng P112.5 milyong confidential funds na nasa ilalim ng Department of Education (DepEd) na dating pinamunuan ni Duterte.
Sinabi ni Ortega na ang pinakahuling mga pangalan ay isinumite ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (COA) bilang pagtalima sa panuntunan sa pagtutuos sa gastusin ng pamahalaan..
Sa paparating na impeachment trial sa Senado ni Duterte sa Hunyo, sinabi ni Ortega na ang mga kahina-hinalang alias ay maaaring magsilbing direktang ebidensya ng umano’y irregularidad, maliban na lang kung makapagpakita ang OVP ng malinaw at mapatunayan dokumentasyon para sa bawat pangalan na nakasaad.
Nauna rito, tahasang binansagan ni Ortega ang mga kahina-hinalang mga pangalan bilang bahagi ng misteryo “Budol Gang” ni Duterte.
Matatandaan na ang mga naunang batch ng mga kahina-hinalang pangalan mula sa PSA ay naglalaman ng mga pekeng entry na tila hango sa mga brand ng snacks, at ang iba pa nga ay tila may temang grupo.
Kabilang dito sina “Mary Grace Piattos,” “Pia Piatos-Lim,” at “Renan Piatos,” na kabilang sa mga unang nabunyag sa mga imbestigasyon ng Kongreso. Isa pang kontrobersyal na pangalan ay ang “Xiaome Ocho,” na tila ginaya ang tech brand na Xiaomi, kaya’t pinaghihinalaang hindi lang aksidente o pagkakamali ang mga ito kundi sadyang peke.
Mas lalo pang naging kakaiba ang paglitaw ng mga alias tulad nina “Jay Kamote,” “Miggy Mango,” at ilang indibidwal na simpleng pinangalanang “Dodong.” Lumobo pa ang listahan at may mga temang grupo tulad ng tinaguriang “Team Amoy Asim” na kinabibilangan nina “Amoy Liu,” “Fernan Amuy,” at “Joug De Asim.”
Mayroon ding “Team Grocery” na binubuo nina “Beverly Claire Pampano,” “Mico Harina,” “Patty Ting,” “Ralph Josh Bacon,” at “Sala Casim.”
Iginiit ni Ortega na ang dami at uri ng mga pangalan ay tila hindi na simpleng pagkakamali sa admin.
“Kapag ganito karami ang kahina-hinalang pangalan, hindi ito simpleng typo o administrative error lamang,” giit niya.
“Mukhang may deliberate attempt para itago ang tunay na destinasyon ng pondo ng taumbayan,” dagdag pa ni Ortega.
Mula sa kabuuang 1,992 pangalan na inilista na tumanggap ng confidential funds mula sa OVP, sinabi ni Ortega na 1,322 ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records, at 1,593 ang walang death records.
Nauna ng ibinunyag ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na 405 sa 677 pangalan na nakalistang benepisyaryo ng confidential funds ng DepEd ay walang birth records—isang malinaw na indikasyon na maaaring peke ang mga pangalang inilista. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
