
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
Para kay Agri partylist Rep. Manoy Wilbert Lee, isang malaking hakbang para sa katuparan ng tunay Universal Health Care (UHC) Law, ang pagkapon sa 45-day annual limit sa hospital confinement ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa isang kalatas, inilarawan ni Lee ang PhilHealth Circular 007 (series of 2025) bilang bahagyang katuparan ng aniya’y tunay na layunin ng Republic Act 11223.
“This development ensures that all Filipinos, regardless of their medical conditions, have continuous access to necessary health services without the fear of exceeding arbitrary limits,” wika ng Bicolano solon.
“Napakagandang balita nito dahil hindi naman natin ma-i-schedule kung kailan tayo gagaling lalo na sa malubhang sakit. Malaking kabawasan ito sa pangamba at pasanin ng napakarami nating kababayan sa pagpapa-ospital,” dagdag ng AGRI partylist lawmaker.
Hinimok naman ni Lee ang PhilHealth na tiyaking ramdam ng mga Pilipino ang mga reporma sa healthcare services.
“We want to ensure that all Filipinos, particularly those with chronic or severe health conditions, receive the necessary care without the added worry of financial constraints,” saad naman ng Agri partylist group na kinabibilangan ni Lee.
“Patuloy nating babantayan ang maayos na implementasyon nito dahil hindi natin hahayaan na maging paasa o fake news ang PhilHealth sa mga kinakailangang serbisyong pangkalusugan,” dugtong nito.
Matatandaan na unang kinastigo ng Agri Partylist ang PhilHealth matapos makatanggap ng reklamo hinggil sa hindi pagpapatupad ng Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) package ng naturang ahensya.
Setyembre 2023 nang ibunyag ng Agri partylist solon ang pakakait ng angkop ng serbisyong pangkalusugan ng PhilHealth sa kabila pa ng bilyon-bilyong sobrang pondong mula sa buwanang kaltas sa mga miyembro.