WALONG buwan bago ang takdang araw ng halalan, nakatakdang bawasan pa ng Commission on Elections (Comelec) ang talaan ng mga partylist groups na target lumahok sa 2025 midterm elections.
Ang dahilan – pekeng adbokasiya at kaduda-dudang personalidad na kumakatawan sa sektor na hindi naman kinabibilangan.
Batay sa huling bilang ng Comelec, umabot na sa 142 partylist groups ang kinapon ng poll body.
Sa kalatas ng ahensya, inamin ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na tanging lagda na lang ang kulang ng mga binalangkas na resolusyon para tuluyang ma-etsa pwera ang mga aniya’y bogus na grupo.
Kabilang naman sa naging batayan ng poll body sa pagbasura ng mga partylist groups ay ang kawalan ng sariling konstitusyon, talaan ng mga miyembrong sang-ayon sa paghahain ng petisyon, pekeng adbokasiya at kaduda-dudang nominado.
Garantiya ni Garcia, ihahayag ng Comelec ang talaan ng mga kakalusing partylist groups sa mga susunod na araw.
