Ni LILY REYES
SA gitna ng pangamba sa napipintong malakas na pagyanig ng lupa bunsod ng tinaguriang “The Big One,” ikinasa ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang malawakan at sabayang earthquake drill simultaneous earthquake drill para sa ikatlong quarter ng 2024.
Ayon sa Phivolcs, ang Third Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ay nakatakdang isagawa Setyembre 26, bandang alas 9:00 ng umaga.
Sa isang kalatas ng ahensya, hinikayat ang publiko na mag-antabay sa mga susunod na anunsyo hinggil sa nalalapit na NSED sa official Facebook page ng Office of Civil Defense.
Paliwanag ng Phivolcs, malaking bentahe sa kaligtasan ng mga mamamayan ang kahandaan sa sandaling maganap ang kinatatakutang “The Big One” kung saan inaasahan papalo sa magnitude 7.2 ang lindol sa sandaling tuluyang gumalaw ang West Valley Fault.
Sa panahon ng drill, inaasahang makilahok ang publiko sa pamamagitan ng paggawa ng Duck, Cover, at Hold posture.
