Ni LOUIE LEGARDA
WALANG plano ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na makipag-alyansa sa partidong pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte, ayon kay PFP president Governor Reynaldo Tamayo ng South Cotabato.
Pag-amin ni Tamayo, mayroon tatlong national parties na kinokonsidera para sa alyansa kabilang ang Lakas-CMD ni House Speaker Martin Romualdez, Nationalist People’s Coalition (NPC) at National Unity Party (NUP).
Kapansin-pansin na wala sa talaan ng mga isinusulong na pakikipag-alyansa ang Hugpong ng Pagbabago ni VP Sara.
Paliwanag ni Tamayo, ang alyansa sa pagitan ng ng PFP at HNP ay para lamang sa 2022 national elections, kasabay ng pag-amin na target ng partido bumuo ng bagong alyansa.
Bagamat nananatili naman aniya ang tinaguriang UniTeam, kailangan ng panibagong negosasyon batay sa panuntunan ng PFP.
“Kailangan may common cause,” pahayag ng gobernador.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naghahanda na ang mga kasama sa PFP para sa nalalapit na 2025 midterm election.
Para kay Marcos, malaking bentahe kung ngayon pa lang mabubuo na ang komitengg magsisilbing punong-abala sa usapin ng halalan sa Mayo ng susunod na taon.
Kumbinsido rin ang Pangulo na lulutang na sa mga susunod na buwan ang mga partidong makakatuwang ng administrasyon sa isinusulong na koalisyon para sa nalalapit na eleksyon.
Bahagi rin ng paghahanda tukuyin ng mas maaga ang ang tatakbo sa ilalim ng PFP para sa iba’t ibang posisyon – mula senador, kongresista, gobernador at alkalde.
