SA kabila ng zero-subsidy na iginawad ng Kongreso, tiniyak ni Senador Bong Go na may sapat na pondo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa aspeto ng kalusugan.
Para kay Go na tumatayong chairman ng senate committee on health and demography, walang dahilan ang agam-agam ng mga mamamayan sa zero budget allocation ng naturang ahensya para sa 2025.
Paalala ng senador sa PhilHealth, nilikha ng batas ang naturang ahensya hindi para magnegosyo.
“Malinaw ang mandato ng PhilHealth. Isulong ang isang accessible public healthcare,” wika ni Go, kasabay ng garantiya na babantayan ang naturang ahensya ng pamahalaan para ang isinubing pondo para tiyakin serbisyong pangkalusugan lang gagamitin ang kaban.
Habang pinapanagot ang PhilHealth sa nakaraang kapalpakan, dapat aniyang tiyakin ang accessible at quality healthcare bilang top priority ng gobyerno.
“Nakakalungkot na kahit may mga pondo naman ang PhilHealth, hindi pa rin nararamdaman ng taumbayan ang tulong na dapat ay para sa kanila.”
Hirit ni Go sa PhilHealth, isang maayos at malinaw na plano sa pondong sadyang para lang sa tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa serbisyong pangkalusugan.
Hamon pa ng senador sa pamunuan ng PhilHealth, tuparin ang pangako sa taumbayan – ibubuhos ang pananalapi sa public health at hindi para itago at ipunin sa bangko.
“Ito ay health insurance para mapanatag ang mga Pilipino sakaling kakailanganing magpagamot ay meron silang masasandalan.”
