
MATAPOS ang salain ang mga senior police officers, target naman ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na panagutin ang mga responsable sa pangungultab sa insentibo ng mga pulis.
Sa isang pulong-balitaan, partikular na tinukoy ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. ang 2022 service recognition incentive (SRI) para sa lahat ng unipormadong kawani ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Abalos, dapat imbestigahan ang aniya’y ‘pangongotong’ sa P7,000 SRI na nakalaan sa mga pulis, bilang tugon sa idinulog na reklamo ng ilan sa mga PNP personnel na nagsabing P4,000 lang ang kanilang natanggap.
“Papa-imbestigahan muna natin yan within PNP, ibabato din natin kay chief (Gen. Benjamin Acorda Jr.). Pero we should be guided by DBM about this. Kasi it’s savings from each department… may mga policies tungkol dito ” paliwanag ng DILG chief.
Disyembre ng nakalipas na taon nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Administrative Order No. 1 na nagbigay-hudyat sa one-time SRI para sa mga empleyado bilang pagkilala sa mga kawani ng pamahalaan.
Sa ilalim ng AO No. 1, naglaan ng P20,000 para sa mga empleyado ng executive branch ng pamahalaan.
Sa hanay ng PNP, P7,000 bawat pulis ang ibinigay, batay sa ulat ng PNP Financial Service sa noo’y PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. – bagay na lubhang ikinagulat ng mga pulis na nagsabing P4,000 lang ang kanilang natanggap na SRI.