MATAPOS ang pasabog ni Senador Ronald Dela Rosa, bumuwelta ang pamunuan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) hinggil sa di umano’y panggigipit ng administrasyon sa mga opisyales ng Philippine National Police (PNP) para ipagkanulo si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pag-amin ni NICA chief Ricardo de Leon, totoong may naganap na pulong kung saan kabilang sa mga personalidad na bahagi ng pag-uusap sina House Speaker Martin Romualdez at dating Criminal Investigation and Detection Group chief Major Gen. Romeo Caramat.
Gayunpaman, nilinaw ni de Leon na si Caramat mismo ang humiling na makausap si Romualdez.
Kwento ng NICA chief, nag-alok si Caramat na tetestigo laban kay Duterte at Sen. Dela Rosa na mga pangunahing personalidad na iniimbestigahan ng ICC kaugnay ng madugong giyera kontra droga.
Pero may kapalit umanong hinihingi si Caramat – ang maging PNP chief. Gayunpaman, nilinaw ni de Leon na tinabla ni Romualdez ang alok ni Caramat.
Bukod kay Caramat, may iba pang opisyales ng PNP ang nagpahiwatig ng kahandaan tumestigo laban kay Dela Rosa at sa dating Pangulo – pero hindi sa ICC kundi sa isasagawang pagdinig ng quad committee na sabayang didinig sa mga usapin ng illegal POGO, kalakalan ng droga at malawakang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
“Marami na po ang nagpapadala ng feelers dito sa quad comm na maaaring makatulong sa ating investigation, ayon kay House Committee on Dangerous Drugs chairperson at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
