
Ni Estong Reyes
NAGPAHAYAG ng seryosong pagdududa si Senador Edgardo “Sonny” Angara na magkakaroon ng milagro sa ekonomiya kapag inamendahan ang ilang economic provision ng 1987 Constitution.
Sa pahayag pagkatapos ng pagdinig sa Resolution of Both Houses No. 6, inilatag ni Angara, chairman ng sub-committee on constitutional amendments and revision of codes, ang ilang hadlang upang maakit ang dayuhang imbestor.
Layunin ng panukalang amendahan ang 1987 Constitution na alisin ang ilang restrictive economic provision na nagiging hadlang umano sa pag-akit ng foreign investor, na lubhang pinagdududahan ni Angara.
“Hindi ibig sabihin na hindi makakatulong ang Cha-cha, so by all means, let’s explore the possibilities, aniya.
“But hindi naman milagro ‘yan na pagkatapos amyendahan ang Konstitusyon ay biglang na lang kakatok ang mga investors,” dagdag niya saka binanggit na ilang tipikal na hadlang na inirereklamo ng foreign investors kabilang ang halaga ng pagnenegosyo, red tape at kalidad ng imprastraktura.
Nakapokus ang pagdinig ng Senado, ayon kay Angara, sa panukalang amendahan ang ilang economic provisions ng Constitution, na nakikita ng ilang Cha-cha proponents na pawang mahigpit at counter-productive upang buksan ang ekonomiya sa dayuhan.
“It is not to amend the term limits of elected officials,” paglilinaw ni Angara saka inilatag ang ilang housekeeping rules para sa pagdinig.
Tinukoy g RBH 6 ang tatlong economic provisions sa Constitution na dapat amendahan upang lumuwag ang partisiplasyon ng dayuhan sa public services, education at advertising industry.
Pero, nilinaw ni Angara na natugunan ng RA 11659 na nag-amyenda sa Public Service Act ang sinasabing hadlang sa public services na tinutukoy ng Cha-cha proponents.
Sa edukasyon, ayon pa kay Angara, na kahit may magandang argumento pabor dito, nakapokus ang panukalang amyenda sa higher tertiary education at hindi kabilang ang basic education.
“Hindi kasali ang basic education sa mga bubuksan, sa mga magandang kadahilanan na ipiprisinta,” aniya.
“Marami na tayong mga batas na lalong binuksan ang ating ekonomiya. Sapat na ba ang mga ito? Ang pagbabago ba ng Saligang Batas ang nag-iisang solusyon,” tanong niya saka iginiit na titiyakin na anumang panukala sa pagbabago na kahit kakarampot na bahagi ay pag-aaralan nang mabuti at pagdedebatehan nang matindi.
“Gagawin natin ito sa tamang paraan: pag-uusapan, pagdedebatihan, hindi ‘yung basta lamang pipirmahan,” ayon kay Angara.