Ni JAM NAVALES
SA hangarin pataasin at protektahan ang suplay ng isda sa bansa, nanawagan sa pamahalaan ang isang partylist congressman para sa agresibong implementasyon ng mga batas at regulasyon hinggil sa ‘overfishing’.
Paglilinaw ni AGRI partylist Rep. Wilbert Lee, bagamat kaisa siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa layunin itaguyod ang kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda, higit aniyang makabubuti kung ipatutupad ang mga batas kaugnay ng pamamalakaya para tiyakin ang supply ng isda sa lokal na merkado.
Partikular na target ni Lee sa kanyang panawagan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang mga aniya’y illegal fishing activities at pagpasok ng mga commercial fishing vessels sa municipal waters.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ng 5.2 percent ang fisheries production ng bansa sa huling bahagi ng nakalipas na taon kumpara sa pagtatapos ng 2022.
“Sa isang banda, natutuwa tayo na kahit papaano tumaas pa rin ang year-on-year agriculture output natin sa Q4 pero sa kabilang banda ay nakababahala rin na bumaba ang produksyon natin sa pangingisda,” ani Lee.
“Kailangang paigtingin natin ang pagbabantay sa overfishing at ilegal na pangingisda dahil ito ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng ating fish stocks. Malaki ang maiaambag ng pagsigla ng supply natin ng isda sa isinusulong natin na food security kung saan Winner Tayo Lahat,” diin pa niya.
Naniniwala naman si Lee na mayroong sapat na political will ang Marcos administration para ipatupad ang mga batas “na pumoprotekta sa kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda at mabawasan ang pangamba ng mga ito na wala silang maipantustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya, lalo na sa panahon ng pagkakasakit.”
Kabilang sa mga nais ni Lee na mahigpit na maipatupad ang Fisheries Code para sa paglalagay ng vessel monitoring system (VMS) at electronic reporting system (ERS) sa mga local commercial fishing vessel.
Aniya, “mismong ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na po ang nagsabi na mandatory ang installation ng mga VMS at ERS sa lahat ng commercial fishing vessels.”
