Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MARIING tinuligsa ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ang hindi awtorisadong pagpasok ng mga barko ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas, hindi lamang sa bahagi ng West Philippine Sea kundi maging sa itinuturing na eastern seaboard ng bansa.
“Tila malaya na pong nakakapasok at tumambay anumang oras ang mga barko ng China sa ating mga karagatan. Akalain niyo na dito naman sa silangang bahagi ng ating bansa ang puntirya ngayon ng China tulad ng Benham Rise at Catanduanes area!,” pambungad ni Tulfo sa kanyang privilege speech.
“Ito po ay hudyat na naghahanda na rin silang sakupin ang silangang bahagi ng Pilipinas tulad ng pananakop nila ng buong West Philippine Sea. We have to act now to prevent another Chinese aggression on our territory,” dagdag pa ni Tulfo.
Kasabay nito, naghain ng isang resolusyon sa Kamara si Tulfo, katuwang ang kanyang mga kasamahan sa ACT-CIS partylist na si Rep. Edvic Yap; Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo, para hikayatin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) na magdagdag ng mga tauhan kasabay ng mas pinaigting na pagpapatrulya at maritime surveillance sa eastern seaboard ng bansa.
Sa ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Abril 25 nang namataan sa layong 60.9 nautical miles sa silangang bahagi ng Rapu-Rapu Island sa Albay ang research vessel na Shen Kuo (na may bandila ng China).
Nitong Abril 30, ang naturang barko ay nagdala ng hindi matukoy na kagamitan halos 100 milya sa silangang bahagi ng Catanduanes.
“The foregoing acts raise suspicion and concern about the intentions and unknown activities of the said vessel within the eastern portion of the Philippine waters, yet the AFP’s unsuccessful attempts to contact the vessel through regular radio channels indicate the vessel’s lack of responsiveness or willingness to engage with the proper authorities,” saad pa sa resolusyon.
Sinabi ng Deputy Majority Leader na ang kanilang resolusyon ay naglalayong maitaboy ang mga hindi awtorisadong Chinese vessels at hindi na maulit ang kagaya sa ginawa ng China sa West Philippine Sea.
“If we continue to allow Chinese vessels in that part of our country, we might send the wrong signal to China that we really cannot protect our territory,” ani Tulfo.
“We must act now before the Chinese Coast Guard and Chinese militia take over our Exclusive Economic Zone in the Pacific Ocean,” pahabol pa niya.
