HINDI na umano nababagay pa na manatili si Vice President Sara Duterte sa Gabinete ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. kasunod ng mga maaanghang na salitang binitiwan ng kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte at kapatid na si Mayor Baste Duterte, ayon sa dating mambabatas.
Si VP Sara ang kasalukuyang secretary ng Department of Education.
“It’s her choice, and it’s President Marcos’ choice. Ang sinasabi ko lang naman, how can you maintain your position in the Cabinet after your father and your brother called your principal (out) for being a drug addict and at the same time dapat mag-resign,” sabi ni Bayan Muna chairperson Neri Colmenares.
Nitong Linggo, mahigpit na binatikos ni Duterte si Marcos at inakusahan pang gumon sa droga.
Sa kanyang panig, pinagbibitiw naman ni Mayor Baste ang Pangulo dahil sa kawalan nito ng malasakit at pagmamahal sa bansa.
Sinabi naman ni Marcos ngayong Lunes na ang tirada sa kanya ng dating pangulo ay posibleng may kinalaman sa pag-inon nito ng painkiller na fentanyl.
Isang matapang na gamot na inamin ni Duterte na iniinom nya matapos ang aksidente noong 2016.
“Para sa akin, the Vice President cannot continue to be a part of the Cabinet ni President Marcos… Hindi na yan tenable na mag-stay ka pa dyan. What will you do in Cabinet meetings? Puwede ba yun, wala nang tiwala sayo ang buong gabinete?” sabi pa ni Colmenares.
