SINUSPINDE ng Commission on Election (Comelec) ang lahat ng usapin na may kaugnayan sa people’s initiative na naglalayong rebisahin ang 1987 Constitution.
Nakatanggap ang Comelec ng mga pirma mula sa daang lalawigan at siyudad para sa people’s initiative. Gayunman, sinasabing ito ay mula sa bayarang botante at kuwestiyunableng legalidad. Sinabi ng Comelec na sinuspinde ang proceedings dahil kailangang bisitahing muli ang resolusyon sa people’s initiative.
“A lot of questions are questions of first instance… We are realizing mukhang maraming tanong kaya siguro kailangan ma-revisit muna,” sabi ni Comelec Commissioner Ernesto Maceda Jr.
Sa ilalim ng inisyatibo, ang mga senador at kongresista ay magkasanib na boboto sa panukalang charter change sa halip na magkahiwalay na boto ng dalawang Kapulungan.
Nangangahulugan na ang joint voting ay tatabon sa 24-miyembrong Senado kumpara sa higit 300 miyembro ng Kamara.
Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ang suspensiyon sa people’s initiative ay tagumpay para sa bansa.
“Tumugon ang pamahalaan sa totoong damdamin ng taumbayan. Hindi pa po tapos ang laban, patuloy po tayong manalangin at magbantay para siguruhing maprotektahan ang Konstitusyon na siyang kaluluwa ng ating bayan,” sabi nito.
