PARA kay Senador Panfilo Lacson, malayo sa katotohanan ang pasabog ni Senadora Imee Marcos hinggil sa umano’y nilulutong term extension sa likod ng Charter Change (ChaCha).
“Karamihan naman ng pasabog niya, ‘kwitis,’” wika ni Lacson sa ibinunyag ng pulong sa pagitan ni dating Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Faustino Dy III.
Una nang iginiit ni Imee ang pagsusulong umano ng Constituent Assembly (ConAss) na naglalayong palawigin ang termino ng mga kongresista, senador at pangulo.
Ani Imee, ang napipintong pagdakip kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa ay bahagi ng plano para mabawi ng administrasyon ang Senate presidency at maisakatuparan ang term extension ng mga mambabatas.
Gayunpaman, iginiit ni Lacson na sablay ang pasabog ng senadora lalo pa’t hindi na Senate President si Sotto para makipag-usap ito sa House speaker.
Base rin aniya sa mga meeting ng minority bloc, ang tanging hangad ay ayusin ang reputasyon ng Senado — at hindi ChaCha.
“Tapos sinasabi pa niya para ma-extend yung term ng kanyang kapatid. Yun ang talagang napakalayo sa katotohanan kasi pag nagko-caucus kami, ang pinag-uusapan lang namin, paano ibangon yung integridad, yung dignidad tsaka reputation ng Senado,” saad ni Lacson.
