WALANG dahilan para maantala ang trabaho ng Kamara sa gitna ng mga pagdinig na kalakip ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, nilinaw ni House Speaker Faustino Dy III na hindi dapat maapektuhan ang mandato ng Kamara, kasabay ng giit na patuloy ang pagsusulong ng mga batas na naglalayong tiyakin ang kapakanan ng taumbayan.
Bilang patunay, ibinida ni Dy ang 38 panukalang batas ang nakasalang sa plenary deliberations, na nakatuon sa governance reforms, emergency response, energy security, public safety, infrastructure at local development initiatives.
Simula aniya nang magbalik-sesyon halos dalawang linggo ang nakararaan, lubos na nakatutok ang bawat kinatawan ng mga mamamayan sa trabaho, kaakibat ang masidhing layunin, disiplina at determinasyon.
“Ang mahalaga ngayon ay tuloy-tuloy natin ginagawa ang trabaho at mandato na ipinagkatiwala sa atin ng taumbayan. Patuloy nating pagtutuunan ng pansin ang mga panukalang batas na may direktang epekto sa buhay ng mga Pilipino,” anang mambabatas mula sa lalawigan ng Isabela.
Kabilang sa mga panukalang batas na binanggit ni Dy ang House Bill 8389 (Anti-Political Dynasty Act) na akda ng lider ng Kamara at ni House Majority Leader Sandro Marcos.
Gayundin ang inaprubahan sa second reading na HB 9305, na pagtatatag sa National Emergency Response and Resiliency Framework at pagpapatupad ng “KALINGA Program.”
Paliwanag ni Speaker Dy, layunin ng panukala matiyak ang katatagan ng ekonomiya ng bansa, energy security, at tuloy-tuloy na pagkakaloob ng mga mahahalagang serbisyo ng pamahalaan sa gitna ng nararanasang emergency crisis.
Lusot na rin sa second reading ang HB 8392, na nagdeklara sa National Election Day bilang regular non-working holiday, gayundin ang HB 8702 na nagtataas sa compulsory retirement age ng uniformed personnel ng Philippine National Police (PNP) mula sa 57 mula sa kasalukuyang edad na 56.
Meron din aniyang mga energy at infrastructure-related measures ang isinusulong tulad ng HB 9010, na pagkakaloob ng legislative franchise para sa transportation and distribution ng natural gas at iba pang petroleum products, kasama na ang ilang electric cooperative franchise measures na layong mapalakas ang power distribution systems sa iba’t-ibang lalawigan.
Kumpiyansa ang House Speaker na sa mga naging pagtugon ng Kamara sa mga mahahalagang panukalang batas ay nakakabit ang mahigpit na pagtataguyod ng accountability, transparency, at public welfare.
“Sa bawat hakbang ng Kamara, ang layunin natin ay tiyaking may konkretong mararamdaman ang ating mga kababayan at mapanatili ang tiwala nila sa mga institusyon ng pamahalaan.”
