
HINDI na nga dumaan sa public bidding, hindi pa tumupad sa kontrata. Ito ang naging basehan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagkansela ng 2002 supplemental agreement kaugnay ng proyektong pabahay para sa mga kawani ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.
Partikular na pinawalang-bisa ng DENR ang kontrata ng Blue Star Construction and Development Corporation (BSCDC) para sa pagtatayo ng 5,000 housing units sa bayan ng Tanay sa lalawigan ng Rizal.
Sa liham ng DENR kay Ben Dumaliang na may-ari ng BSCDC, inilahad ng kagawaran ang mga paglabag ng nasabing kumpanya sa kasunduang nilagdaan mahigit 22 taon na ang nakalipas.
Higit na kilala si Dumaliang na tagapagtaguyod ng Masungi Georeserve Foundation na may-ari naman ng isa sa pinakamahal na pasyalan sa Pilipinas — ang Masungi Geopark na itinayo sa lugar na nakalaan sa Garden Cottages Housing Project ng DENR.
Sa halip na pabahay na nakasaad sa kasunduan, ginamit umano ng BSCDC ang nasa 300-ektaryang lupa para sa negosyo.
Ayon kay DENR Assistant Secretary for Legal Affairs Norlito Eneran, taong 1997 nang unang lumagda sa isang joint venture si Dumaliang para sa 130-ektaryang Garden Cottages Housing Project. Matapos ang limang taon, pinalawak ng bagong kasunduan sa 300-ektarya ang saklaw ng proyekto kahit walang “significant progress” sa pabahay.
“Since the housing project was never executed, and no bidding process took place, the 2002 agreement was therefore rendered as having no legal basis,” wika ni Eneran.
Inatasan na rin ng DENR ang BSCDC at Masungi Georeserve Foundation na lisanin na ang inookupahang lupa ng pamahalaan.
Sabit din aniya ang BSCDC sa 2008 housing project contract sa Dasmariñas, Cavite.