TATLO ang kumpirmadong patay habang tatlong iba pa ang sugatan sa pagsiklab ng sunog sa isang residential area na sakop ng Barangay Concepcion-Uno, lungsod ng Marikina.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR), kinilala ang mga nasawi na sina Rodolfo Jamisola, 59 anyos; Angelica Jarlego, 23 anyos; at Annaleah Jarlego, 18 anyos. Natagpuan magkakasama ang mga biktima sa isang silid na bahagi ng natupok na tahanan.
Sugatan din sa naturang insidente ang iba pang miyembro ng pamilya Jarlego – sina Ronel Jam, Sid Andrei at ang anim na taong gulang na si Stacy Ane.
Batay sa paunang imbestigasyon, lumalabas na nagsimula ang sunog sa isang bahay sa kahabaan ng E. Santos Street, dakong alas 8:00 ng umaga. Bandang alas 9:44 nang tuluyan maapula ang sunog. (EDWIN MORENO)
