
IWAS-pusoy ang Department of Agriculture (DA) sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng agam-agam ng mga magsasaka sa umano’y napipintong pagbaha ng imported rice sa merkado dahil sa tariff cut na utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, inamin ni Agriculture Undersecretary Asis Perez na kabaliktaran ng tariff cut ang rekomendasyon ng departamento.
Katunayan aniya, pabor ang DA na itaas sa 50% ang taripa sa bigas na inaangkat mula sa ibang bansa para isulong ang lokal na produksyon ng palay.
Gayunpaman aniya, iba ang pananaw ng Pangulo.
Sa halip na tupdin ang rekomendasyon na nagtutulak itaas sa 50% ang taripang kinokolekta ng pamahalaan, ibinaba sa 15% (mula sa dating 35%) ang taripa mula sa mga rice importers.
Kwento ni Perez, isinumite ng departamento ang rekomendasyon sa National Economic and Development Authority (NEDA) board kung saan si Marcos ang tumatayong chairman of the board.
Una nang nagpahayag ng agam-agam ang mga magsasaka sa tariff cut na anila’y kagyat na papatay sa kanilang tanging ikinabubuhay.