SA susunod na dalawang taon, suspendido muna ang pagpapataw ng interes at multa sa naantalang pagbabayad ng amilyar, batay sa Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Partikular na tinukoy ni Sen. Sherwin Gatchalian ang isang bahagi ng RPVARA kung saan malinaw aniyang nakasaad ang dalawang taong amnestiya para mahikayat ang mga nagmamay-ari ng lupa na bayaran ang kalakip ng buwis sa mga ari-ariang pasok sa kategorya ng real estate.
“We hope that the passage of this law would eventually encourage compliance among taxpayers of real property tax as they get to enjoy non-payment of interest and penalties when they pay their outstanding real property taxes,” wika ni Gatchalian na tumatayong chairman ng Ways and Means committee ng Senado.
Paliwanag ng mambabatas, bahagi rin ng RPVARA ang probisyon kung saan inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na paspasan ang automation ng tax collection system sa nasasakupang lokalidad.
Para kay Gatchalian, malaking bentahe ang automated local tax collection system para aniya matukoy ang tinaguriang delinquent properties.
Sa ilalim ng automated local tax collection system, mas madali umanong mabantayan ang bentahan, palitan, pagpapaupa, sanla, donasyon, paglilipat sa pangalan ng nagmamay-ari ng lupa.
“The enactment of RPVARA gives us a remarkable opportunity not only to modernize our processes but also to reaffirm our commitment to progress, efficiency, and fairness in property valuation,” pahabol ni Gatchalian.
