
MATAPOS makumpirmang wala na sa Estados Unidos ang kongresistang suspek sa pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, tinabla ng Kamara ang hirit ni Rep Arnie Teves na palawigin ang permisong manatili sa ibang bansa.
Pag-amin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, walang sapat na basehan para pagbigyan ang kahilingan ng kongresistang dawit sa kabi-kabilang kaso ng pamamaslang sa Negros Oriental.
Marso 9 ng kasalukuyang taon natapos ang bisa ng travel authority na inisyu ng Kamara kay Teves.
“Rep. Arnie Teves has asked for a leave extension but I advised him to come back to the country as soon as possible,” ayon sa lider ng Kamara, kasabay ng giit na hindi na otorisado ng Kongreso ang pananatili ng nagtatagong kongresista sa ibang bansa.
“His travel outside the country beyond March 9 is no longer authorized by the House of Representatives. Therefore, his only option is to come home,” dagdag pa ni Romualdez.
Para sa House Speaker, mas makabubuti kung uuwi na lang si Teves para harapin ang mga kasong isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban sa kanya.
“Makabubuti na rin umuwi na si Cong. Arnie para harapin ang pagkakadawit ng pangalan ng kanilang pamilya sa pagkamatay ni Gov. Roel Degamo,” aniya pa.
Hirit pa ni Romualdez, tanging ang kanyang paglutang ang paraan para linisin ng kongresista ang pangalang ‘nadungisan.’
“We all want to hear his side of the story. Maraming buhay ang nawala maliban kay Gov. Degamo. Umamin na ang mga nahuling salarin sa partisipasyon nila sa krimen at hindi titigil ang pamahalaan para kilalanin at panagutin ang mga nasa likod ng brutal na krimeng ito,” pahabol ng lider ng Kamara.