NASA 20,000 Chinese nationals na bahagi ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) ang inaasahang lilipad pabalik ng China bunsod ng ultimatum na inilabas ng Bureau of Immigration. (BI).
Sa isang kalatas, kinumpirma ni Immigration chief NormaN Tansingco na binigyan lang niya ng 59 na araw ang mga dayuhang POGO workers para lisanin ang bansang Pilipinas, alinsunod sa direktiba ni Pangulong ferdinand Marcos Jr.
Hulyo 22 nang ihayag ng Pangulo ang bagong polisiya ng gobyerno – ang tuldukan ang mahabang talaan ng kriminalidad sa likod ng mga POGO hubs. Kabilang sa mga binanggit ni Marcos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang umano’y perwisyong dulot ng mga scam farms, bukod pa sa pagpatay, human trafficking, kidnapping, scams, hacking, torture, panghahalay, at iba pa.
Pag-amin ni Tansingco, karamihan sa inaasahang mag aalsa-balutan ay pawang Chinese nationals.
Sa mga hindi aniya tatalima, pwersahang dadakpin ng mga Immigration agents ang sinumang POGO worker na mananatili sa Pilipinas pagkatapos ng itinakdang deadline ng pamahalaan.
Wala pang pahayag ang Chinese Embassy hanggang sa mga oras na isinusulat ang balitang ito.
