GANAP nang nilisan ng mapaminsalang bagyong Carina ang Philippine Area of Responsibility (PAR) matapos pananalasang bumawi sa buhay ng 21 katao at naglubog sa baha sa Metro Manila ang mga karatig lalawigan.
Gayunpaman, nilinaw ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magpapatuloy ang pag-ulan sanhi ng habagat.
Abiso ng PAGASA, asahan ang katamtaman hanggang sa matinding pag-ulan sa western section ng Luzon gayundin sa 17 lokalidad na sakop ng Metro Manila.
Halos pumalo na rin sa isang milyon ang kabuuang bilang ng mga mamamayang apektado ng mabigat na buhos na ulan.
Sa pagsusuri ng ahensya, nalampasan ng bagyong Carina ang bagsik ng bagyong Ondoy noong 2009. Katunayan anila, katumbas ng karaniwang buhos para sa isang buwan ang ibinagsak ng tubig ng bagyong Carina sa loob lang ng anim na oras.
Nakapagtala rin ng apat na landslide, malawakang pagbaha, pagkasira ng mga kabahayan at imprastraktura, pagkaputol ng supply ng kuryente ang tigil operasyon sa pribadong sektor at maging sa mga tanggapan ng pamahalaan.
