Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NAKATAKDANG isalang sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) sa layuning mapababa ang presyo ng bigas at maibsan ang mabigat na pansinin ng mga konsyumer.
Garantiya ni House Speaker Martin Romualdez, doble-kayod ang Kamara para aprubahan sa ikalawang pagbasa ang naturang panukala sa Miyerkules, Mayo 15.
“We recognize the urgency of addressing the challenges faced by consumers due to high rice prices. Through these plenary debates, we are taking decisive action to bring about meaningful change and ease the financial strain on Filipino households,” pahayag ni Romualdez.
Nabatid na sisimulan ang plenary debates sa RTL amendment bill sa pamamagitan ng sponsorship ng House Committee on Agriculture and Food, na pinamumunuan ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga.
Araw ng Huwebes ng nakaraang linggo nang pagtibayin ng komite ni Enverga ang substitute measure para sa House Bill 212, 405, 1562, 9030, 9547, gayundin ang pagkonsidera sa House Resolution 1614.
Sa naturang substitute bill, nakapaloob ang pagpapalakas sa competitiveness at resilience ng local rice industry kasabay sa pagtitiyak na magkakaroon ng access sa murang bigas ang lahat ng mamamayan.
Nangyari ang committee level approval sa RTL amendment kasabay na rin ng pag-sertipika dito ni President Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent measure.
Ayon kay Romualdez, nais ng House leadership na magkaroon ng amended version ng RTL pagsabit ng Hulyo na hudyat aniya ng inaasahang tapyas sa kasalukuyang presyo ng bigas na mas mababa sa P30 kada kilo.
“By amending the RTL, we aim to bring about tangible reductions in rice prices, ensuring that Filipino consumers are not unduly burdened by high food costs,” dagdag ng lider ng Kamara.
“Lowering rice prices to less than P30 is a crucial step towards ensuring food security and economic stability for all,” dugtong niya.
