SA gitna ng lumalalang hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China, nagmungkahi ang isang kongresista sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas na magpatupad ng doble-higpit na polisiya sa mga Chinese nationals na nais pumasok sa bansa.
Bukod sa mga embahada at konsulado, nanawagan si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa Department of Foreign Affairs (DFA) Bureau of Immigration (BI) at Commission on Higher Education (CHED) na maging alerto sa mga espiyang pumupusturang estudyante at turista.
“I am urging the DFA and our diplomatic posts in China to apply these stricter rules on all China’s nationals applying for whatever type of visa, whether they are businessmen, tourists, workers, or students,” pahayag ni Rodriguez.
“Let us have a more comprehensive and stringent vetting of Chinese visa applicants for the sake of peace and order in the country, and our national security. Let us be on the lookout for Trojan horses among them,” dagdag pa ng beteranong mambabatas.
Batay aniya sa mga impormasyong nakalap ng kanyang tanggapan, karamihan ng mga Chinese nationals na nakakuha ng visa nitong mga nakalipas na taon ay pawang ilegal ang ginagawa sa bansa.
Partikular na tinukoy ni Rodriguez ang pasabog ni Cagayan Rep. Joseph Lara hinggil sa paglobo ng mga Chinese nationals na pumupusturang estudyante sa lalawigan ng Cagayan kung saan nakabase ang isang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site.
Hirit ng kongresista sa DFA, BI at CHED – isang komprehensibong imbentaryo ng mga Chinese nationals sa bansa.
Una nang inamin ng BI na 1,516 Chinese nationals na nabigyan ng student visa sa Cagayan noong 2023 – malayo sa 4,000 sa pagtataya ni Rep. Lara.
