MASUSING pinag-aaralan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang posibilidad ng paghahain ng bukod na diplomatic protest laban sa China kaugnay ng pagpuntirya sa bandila ng Pilipinas sa pinakahuling water cannon attack sa West Philippine Sea malapit sa Bajo de Masinloc.
Partikular na tinukoy ng DFA ang isang video footage ng aktwal na pambobomba ng Chinese Coast Guard (CGG) sa BRP Bagacay na naglayag para magdala ng pagkain, gamot at krudo sa mga mangingisdang Pilipino sa gawing Bajo de Masinloc.
Nagtamo ng matinding pinsala ang BRP Bagacay. Sa pagtataya ng pamahalaan, nasa P3-milyon ang halaga ng mga nasirang bahagi ng barko.
“We have to investigate. It’s difficult to actually already say it should be protested. The process in DFA is, when an incident happens in the waters, we have to have an official report coming from the PCG, from other agencies and the NTF. The report becomes a basis for the action that will be taken, whether it will be a protest, summoning or what,” ayon kay DFA spokesperson Ma. Teresita Daza.
Sa panig ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, mas malaking usapin kung bandila ang talagang inasinta ng China.
“Sa question na flag ba talaga ang intention na target ng PRC? We can probably say that would be possible but the objective of the water cannoning sa nakaraang insidente is for them to terminate ang mobility ng PCG at BFAR vessels. We are relatively dependent on communication equipment and navigation equipment,” wika ni Tarriela.
“For us, ang target talaga nila are the antennas na nasa superstructure natin… Definitely, for viewers na makita na tinitira ang PH flag natin ng water cannon, napakasakit sa atin bilang Pilipino,” dagdag pa niya.
Panawagan ng gobyerno sa China, lisanin ang Bajo de Masinloc sa lalong madaling panahon.
Sa datos ng DFA, nasa 153 diplomatic protest na ang naihain ng pamahalaan laban sa iligal na aktibidad ng China sa West Philippine Sea na pasok sa 200-nautical mile radius na sakop ng Philippine exclusive economic zone.
