PARA Commission on Elections (Comelec), panahon na para wakasan ang paghalili ng mga politiko sa ‘tutang’ naghain ng kandidatura para sa kanyang ‘amo.’
Sa ginanap na Voter Education and Registration Fair briefing sa Guimaras State University, inihayag ni Comelec Chairman George Garcia ang bagong panuntunan sa substitution para sa 2025 midterm election.
Ayon kay Garcia, pahihintulutan lamang ang substitution hanggang Oktubre 8 ng kasalukuyang taon.
“Simula October 1 to 8 yan, yung filing of candidacy, papayagan naming mag-withdraw ka, pwede kang palitan. Pero after ng October 8, wala nang palitan ng candidacy. Wag na natin pinag bobola ang sambayanan,” wika ni Garcia.
Hindi man hayagan, tila pinasaringan ni Garcia ang estilo ng mag-amang Duterte sa nakalipas na dalawang presidential elections kung saan isang Lyle Uy ang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa posisyon ng Bise Presidente na kalaunan ay pinunan ng noo’y Davao City Mayor Sara Duterte sa bisa ng probisyon ng substitution.
Taong 2016 naman nang palitan ni former President Rodrigo Duterte si Martin Diño bilang kandidato ng PDP-Laban sa pagkapangulo.
Batay sa record ng Comelec, may 10 politiko ang humalili sa kandidatura ng 15 aspiranteng umatras sa 2022 national election.
Kabilang sa mga bumawi ng kandidatura sina Senador Bong Go na naghain ng COC para sa posisyon ng bise-presidente at Senador Bato dela Rosa para sa pwesto ng pangulo.
“Dapat kung sino ang kakandidato, harap-harapan na. I-file nyo na yung candidacy nyo. Huwag na yung kunwari naka-front ka sa ganyan, yun pala ikaw pala ang kakandidato,” wika ni Garcia.
Gayunpaman, nilinaw ng Comelec chief na papayagan lang palitan ang isang kandidato sakaling ma-diskwalipika o baiwan ng buhay bago pa man ang takdang petsa ng halalan.
