SA kabila ng bonggang pondong inilaan ng Kongreso, bigo pa rin ang Department of Information and Technology (DICT) masawata ang kabi-kabilang hacking ng hindi na mabilang na government websites kung saan nakalagak ang mga sensitibong impormasyon.
Para kay House Committee on Information and Communications Technology chairperson at Navotas Rep. Toby Tiangco, napapanahon nang seryosohin ng DICT ang isa sa pinakamalaking banta sa seguridad ng gobyerno.
Paalala ng kongresista, responsibilidad ng naturang ahensya pangangailangan at tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa digital space.
Sa unang bahagi ng taong kasalukuyan, kabilang sa mga “pinasok” na government websites ang Department of Science and Technology (DOST), Bureau of Customs (BOC), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Kamara at maging ang mismong portal ng DICT.
Kamakailan lang, nalagay din sa kompromiso ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea matapos marekober sa dalawang arestong hackers ang database ng Philippine Navy.
“I urge the DICT to conduct a comprehensive review of their existing programs and policies, and aim to identify and address the vulnerabilities that cybercriminals exploit,” sabi ni Tiangco.
Araw ng Martes naman nang suspindehin ng Department of Migrant Workers (DMW) ang online services ng naturang ahensya bunsod ng ransomware attack.
