MULA sa pagdedeklara ng ‘zero revenues’ noong 2014 hanggang 2015, at pagkakaroon ng wala pang P100 million na kita sa sumunod na taon, biglang lumobo sa P1.034 bilyon ang nalikom na ganansya ng mga construction firm ng mag-asawang Discaya.
Sa pagdinig ng House Infra Comm, ginisa ni Deputy Speaker Janette Garin si Pacifico “Curlee” Discaya sa financial statements na isinumite ng kanilang mga kumpanya sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Lumabas na wala umano kinita ang mga kompanya ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya noong 2014, habang nasa P99.25 milyon naman ang idineklarang kita noong 2016.
“Pasok tayo ng 2017—lumipad, tumalon ‘yung total revenue niyo to P1,034,443,000. Tama po ba? And this is an increase of 942 percent from the revenue of the previous year?,” ani Garin.
“Yes, your honor,” tugon ng lalaking Discaya na tumatayong presidente at chief executive officer ng St. Gerrard Construction Corporation (SGC).
Sa mga sumunod na taon, patuloy sa lumobo ang kita ng mag-asawa — P12.05 bilyon noong 2018; P13.55 bilyon para sa taong 2019; P11.583 bilyon naman noong 2020; habang P16.07 bilyon para sa 2021; at P20.52 bilyon sa huling taon ng panunungkulan ni Duterte.
Bumaba naman sa P18.62 bilyon ang pumasok na ganansya ng mag-asawa sa pag-upo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ito ang panahon na marami ang nawalan ng trabaho, marami ang uncertainties, marami ang namatay, marami ang lumubog sa utang dahil napakamahal ng testing sa Pilipinas,” pasaring ni Garin sa mga idineklarang kita ng mga Discaya.
“Ito rin ang panahon na ang ating healthcare workers ay hindi naswelduhan ng tama. Pero ang Discaya group of companies, ang revenue nila from government ay P11.583 billion [in 2020],” dagdag ng Iloilo lady solon.
Mula sa nakalap niyang datos, sinabi ni Garin na malinaw na sa panahon ng Duterte administration partikular sa pagitan ng 2016 ay mula sa pagkakaroon ng halos P100 million na kita ay biglang naging bilyonaryo ang Discaya hanggang 2022.
“Ako’y nagagalak bilang isang Pilipino na nadiskubre ito at sana ang ating panawagan mahinto ito sa current administration, because we should not allow the continuity of such programs and such projects,” pagtatapos ni Garin.
Samantala, kinumpirma naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary for Planning and Information Technology Maria Catalina Cabral na binuhusan ng bilyon-bilyong flood control funds ng administrasyong Duterte ang baluarte ng pamilya — ang Davao City.
Batay sa budget records, noong 2020, nais ni former President Rodrigo Duterte na magkaroon ng P4.6 billion para flood control projects sa Davao. Subalit sa inaprubahang General Appropriations Act (GAA), pumalo sa P13.745 bilyon ang alokasyon para sa naturang proyekto.
Noong 2021, itinulak umano ni Duterte ang P9.67 bilyon para sa Davao, pero higit pa sa lambing ng dating pangulo ang inaprubahan sa GAA — tumataginting na P25 bilyon.
Nauna rito, tinanong ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua si Cabral kung totoo ang ulat na si Davao City Rep. Paolo Duterte ay nagkaroon ng kabuuang P51 bilyon para sa infrastructure projects sa nasasakupang distrito sa huling tatlong taon ng panunungkulan ng ama sa palasyo.
Kinumpirma naman ito ng ranking DPWH lady official, batay na rin sa datos na halaw sa DPWH Programming Division at ng GAA. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
