WALANG dahilan ang pangamba ng mga mamamayan sa paglobo ng utang ng Pilipinas sa antas na P15.35 trilyon, ayon kay Finance Secretary Ralph Recto.
“Our heavy bias on domestic financing has facilitated the continued redenomination of our debt into local currency, now representing 68.3% of our total borrowings. Kaya hindi po kayo dapat mabahala, dahil ang utang na ito, galing po sa sarili natin,” pahayag ni Recto sa pulong ng Development Budget Coordination Committee sa Senado.
Paliwanag ni Recto, malaking bahagi ng kabuuang pagkakautang ay pasok sa kategorya ng domestic borrowing.
“Ibig sabihin, karamihan ng interes na ating binabayad ay napupunta rin lang bilang dagdag na kita ng ating mga kababayan. At napakahusay ng ating Bureau of the Treasury. They know what they are doing,” paliwanag niya.
“Sa unang tingin, tila napakalaki ng ating utang na umabot ng trilyon. Pero, uulitin ko, hindi po tayo dapat mabahala dito. Dahil hindi nasusukat ang utang ng isang bansa base sa pagtingin lang sa aktwal na laki nito,” aniya pa.
Para kay Recto, ang tunay na pamantayan ng utang ng isang bansa ay ang paghahambing sa laki ng ekonomiya kung saan aniya mapagtatanto ang kakayahan makapagbayad.
“At isa sa mga ginagamit na tamang panukat ay ang debt-to-GDP ratio. Ito ay ang porsyento ng utang ng isang bansa kumpara sa laki ng kanyang ekonomiya o ang halaga ng lahat ng produkto at serbisyong nagawa nito.
“Base sa chart, mukha mang patuloy na lumalaki ang ating utang ngayon, pero patuloy naman na mas lumalago ang ating ekonomiya. Ibig sabihin, kayang kaya nating bayaran ang ating mga obligasyon,” sambit pa niya.
Kung titingnan aniya ang debt-to-GDP ratio ng Pilipinas, unti-unti pa rin nababawasan ang pagkakautang ng bansa.
“Mula sa 60.9% noong 2022, bumaba na ito sa 60.1% noong 2023. And we are determined to continue pushing it below 60% so we have enough buffer in case another crisis hits us,” ani Recto.
“And to be clear, there is nothing inherently wrong with a country having debts. As long as the money is used for the right purposes such as growing the economy, which in turn, creates more jobs, increases income, and provides more revenues for the government.
“And that as long as the government has the ability to repay these obligations without compromising on other essential projects,” pagtatapos ng Kalihim.
