LANTARANG kinastigo ni Senador Sherwin Gatchalian ang pamunuan ng Department of Finance (DOF) sa kawalan ng tapang ni
laban sa nagpupuslit at illegal na bentahan ng sigarilyo at vaping products sa bansa.
Sa pahayag, hiniling ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on ways and means na paigtinign ang pag-usig sa smugglers at mga negosyanteng pasok sa kalakalan ng sigarilyo at vapor products upang mabawasan, kung hindi man mapuksa ang ilegal na aktibidad.
Binigyang-diin ng senador na dapat balikan ng DOF, kasama Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs — ang kanilang estratehiya upang tuluyang maparusahan ang mga sangkot sa malawakang smuggling sa Aduana, gayundin ang ipinagbabawal na kalakalan.
“Iminumungkahi ko sa DOF, BIR, at BOC na repasuhin ang mga proseso upang makakuha ng conviction. Maaari natin sabihan ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas na magsagawa ng mga operasyong entrapment at hadlangan ang lahat ng ipinagbabawal na kalakalan. Pero kung ang inyong ginagawa ay walang nahahatulan sa kaso, walang saysay ang paghuhuli,” ani Gatchalian sa nakaraang pagdinig ng Senado na isinagawa ng Committee on Ways and Means sa isyu ng illicit trade.
Mula 2017 hanggang 2024, 29 na kaso ang isinampa ng BIR sa Department of Justice na may tinatayang tax liability na P9.9 bilyon. Sa natirang bilang, 13 kaso ang naisampa sa korte. Gayunpaman, hindi pa nakakakuha ng pinal na paghatol ang BIR sa alinman sa mga asuntong isinampa sa korte.
Sa panig ng BOC, 62 ang naisampang kaso mula 2018 hanggang 2024 kaugnay ng yosi smuggling na may kabuuang dutiable value na P2.255 bilyon. Sa 62 na kaso, 12 ang nasa preliminary investigation, 40 ang nasa automatic review ng justice secretary, dalawa ang di pa itinataas para sa korte, apat ang naisampa sa korte, isa ang na-dismiss, isang pinawalang kaso sa bisa ng acquittal. Isa lang ang nahatulan.
Pangkaraniwang nagaganap ang smuggling sa Subic Free Port, Batangas Port, at ilang pang malaking daungan sa bansa kabilang sa Maynila na hindi maampat ng awtoridad sanhi ng sabwatan ng pulitiko at tauhan ng gobyerno.
Ayon kay Gatchalian, masyadong mababa ang conviction rate laban sa smuggler para pigilan ang salarin sa paulit-ulit na pagkakasala.
“Kung walang nakukulong, walang natatakot. Kung walang natatakot, tuloy-tuloy lang ang ligaya dahil sa mataas na kita nila dito na umaabot ng mas malaki pa ng tatlo o apat na beses sa kita ng mga lehitimong negosyo,” aniya.
“Kailangan nating makakuha ng mas marami pang conviction para makapagbigay ng isang malakas na mensahe na seryoso ang gobyerno sa pagtugon sa isyung ito at sa kalaunan, mahuhuli ang mga indibidwal o grupo na patuloy na gumagawa ng mga kriminal na aktibidad na ito,” diin niya. (ESTONG REYES)
