HINDI dapat palampasin ang garapalang katiwalian sa Department of Health (DOH), ayon kay Senador Joel Villanueva, kasabay ng panawagan para sa isang malawakang imbestigasyon sa resulta ng pagsusuri ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng halos P11.2-bilyong halaga ng gamot na inabutan ng expiration sa imbakan ng ahensya.
Sa inihaing Senate Resolution 1326, hinikayat ni Villanueva ang Senate blue Ribbon Committee na pangunahan “senate investigation in aid of legislation” sa aniya’y maanomalyang pagbili ng gamot.
Lubhang ikinadismaya ni Villanueva ang COA report kung saan pinuna ang paulit-ulit na pagsasayang ng limitadong pondo ng gobyerno – bagay na aniya’y naiwasan sana kung ipinamahagi nang maaga sa mga pasyenteng dukha.
Noong 2020, umabot sa halagang P95 milyong halaga ng gamot ang inabutan ng expiration kasunod ng P85 milyong nasayang noong 2021 at P7.4 bilyon ng sumunod pang taon.
Lahat aniya ng pagsasayang nangyari sa panahon ni former Health Secretary Francisco Duque na dawit din umano sa iba pang anomalya sa panahon ng pandemya.
Ayon kay Villanueva, dapat nalalaman ni Health Secretary Ted Herbosa bilang hepe ng ahensya, ang naturang insidente partikular sa paulit-ulit na problema na umiiral sa nakaraang taon.
“These things should not be happening under the nose of the Department of Health. I’m calling on the secretary—what is he doing about this? P11.18 billion is not a small amount of money that could have benefited many people. And this is just for medicines—imagine, they were stockpiled, spoiled, and rendered useless. Now, they’ll just be thrown away,” ani Villanueva. (ESTONG REYES)
