HINDI nakalusot kay Senador Alan Peter Cayetano ang malabnaw na palusot ni Public Works Secretary Manuel Bonoan hinggil sa P1.2-bilyong tulay na bumagsak sa lalawigan ng Isabela.
Sa ikalawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, natuklasan ni Cayetano ang sinasabing ‘sandamakmak” ng depekto sa pagtatayo ng tulay tulad ng malalaking turnilyo na hindi akma sa bigat ng istruktura.
Ikinatuwiran ni Bonoan sa pagdinig na pawang “isolated case” ang pagbagsak ng tulay na nagdurugtong sa mga bayan ng Cabagan at Sta. Maria.
“Sir, it’s been constructed since 2014. It’s been inspected again and again and again. And hindi aksidente na bumagsak ang tulay,” pahayag ni Cayetano kay Bonoan sa ikalawang motu proprio hearing ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng insidente.
Ayon kay Engineer Alberto Cañete, designer ng Cabagan-Sta. Maria Bridge, mas komplikado ang disenyo ng nasabing tulay kumpara sa tradisyonal na istruktura tulad ng San Juanico Bridge, kung saan pinapatong lang ang ‘superstructures’ sa ibabaw ng ‘substructures.’
Pero punto ni Cayetano, na namuno sa pagdinig bilang Subcommittee Chair, hindi dahilan ang bagong disenyo para magkamali lalo na’t kaligtasan ng publiko ang nakataya.
Obserbasyon niya, nasa proseso ng konstruksyon ang naging problema at hindi sa disenyo dahil may mga proseso sa konstruksyon na wala naman sa aprubadong plano.
“Hindi namin tatanggapin yung ‘first time, first time.’ Kasi paano kung first time gumawa ang DPWH ng New Senate Building? Baka bumagsak yon?” aniya.
“Yes, it’s the first time. But when you do it the first time, you do study after study, consultant after consultant, at lalo niyong tinututukan,” pagpapatuloy niya.
Puna pa ni Cayetano, ang dami nang “red flags” sa istruktura na lumabas sa ilang ulat ng field engineers mula pa 2018 pero binalewala ng ahensya.
Kabilang dito ang malalaking bitak sa poste at “shiftings” o paggalaw sa deck slabs.
“Not being an architect or engineer, kapag nakita mo yang report na yan, medyo alarmed ka na,” diin ni Cayetano. “After you engaged a consulting firm, wala pa ring ginawa ang department.”
Pinuri naman niya ang Bureau of Design ng DPWH sa patuloy nitong pagpuna sa mga problema sa tulay.
“Kudos to the Bureau of Design. You were involved, and I’ve seen the documents — you have continued to point out the problems,” sabi niya.
Umapela rin si Cayetano sa ahensya na gawing pagkakataon ang naturang insidente para sa tunay na reporma sa halip na maghanap ng pagbabalingan ng sisi.
“I look at this as an opportunity not to grill the DPWH and say ‘parati na lang kayo,’ but an opportunity to draw the line and tell the contractors: Hoy, P1 trillion na ang budget ng DPWH. Kikita’t kikita kayo, pero ito ang red line. Huwag kayong tatawid dito sa linyang ‘to,” pahayag niya.
Ipinunto rin niya na ang pagsisiyasat sa pagbagsak ng tulay ay maaaring maging simula ng mas malawak na reporma sa kasalukuyan at sa mga susunod pang administrasyon.
“Getting to the bottom of this collapsed bridge can be the starting point of reform in DPWH in this administration that will have far-reaching effects in the future,” aniya pa.
Pinaalalahanan din ang Kalihim na panatilihin ang integridad ng kagawaran.
“Sabihin mo sa mga contractor, ‘Wag niyong dadayain ‘yung project. ‘Wag niyong kokorapin ang mga tao namin. ‘Wag kayong magpadala ng padrino dito,” dugtong ni Cayetano.
“Sec., huwag ka namang papayag na sa termino mo, matawag na most corrupt ang DPWH. Kawawa naman yung 70 o 80 percent na matino kung papayagan mo yung 20 percent [na corrupt].” (ESTONG REYES)
