
MAIIWASAN ang gulo sa pagitan ng mga operatiba at mga tagasuporta si Pastor Quiboloy kung magkukusang sumuko ang puganteng lider ng sektang Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, walang dahilan ang mga kapanalig ni Quiboloy para harangin ang mga pulis na inatasan maghain ng mandamiento de arresto kaugnay ng mga kasong kriminal na nakain sa husgado.
Kasabay nito, nanawagan din si Remulla sa mga alipores ng puganteng pastor na sumuko ng mapayapa at harapin ang mga kinakaharap na kaso.
Hindi rin aniya dapat pagdiskitahan ang mga pulis na ang tanging kasalanan di umano ay gawin ang kanilang trabaho – ang magsilbi sa mamamayan, at tiyakin ang kaayusan at kapayapaan saan mang bahagi ng kapuluan.
Araw ng Lunes nang pasukin ng pinagsanib ng pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Special Action Force (SAF) ang tatlong pinaniniwalaang pinagtataguan ng puganteng pastor. Sa KOJC compound, pitong oras bago nakapasok ang mga pulis dahil na rin sa tensyon sa pagitan ng mga kapanalig ng KOJC at mga unipormadong inatasan maghain ng warrant laban kay Quiboloy.
Siyam na katao ang inaresto matapos pigilan ang pagpasok ng mga operatiba.
Nahaharap ang puganteng pastor sa kabi-kabilang asunto kabilang ang kasong Child at Sexual Abuse at maging human trafficking.