Ni Lily Reyes
NILINAW ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na ang ginawa nilang procurement o pagbili ng mga driver’s license card ay ‘aboveboard’ at walang pinaburang kumpanya.
Ang pahayag ay ginawa ni DOTr Undersecretary for Administration and Finance Kim De Leon, bilang tugon sa mga umano’y insinuwasyon na may pinaburang kumpanya ang departamento upang siyang makakuha ng kontrata para sa delivery ng mga naturang plastic cards.
Pagtiyak pa ni De Leon, ang isinagawa nilang procurement process ay alinsunod sa itinatadhana ng Republic Act 9184 o ng Procurement Law.
“Ang ating ginawang procurement ay sumunod sa lahat ng hakbang at alituntunin na ibinigay sa atin ng Republic Act 9184 o ‘yung ating Procurement Law.
Wala po tayong pinaboran. Tayo po ay sumunod sa mga tinatadhana ng batas at yun po ang naging post-disqualification ay naaayon sa batas,” ani De Leon. “
“Hindi lamang po financial bid ang tinitingnan, kailangan din pong ma-establish yung kakayahan ng ating mga magiging supplier na maibigay ang pangangailangan within the definition of the terms, ito ang naging reason kay na-disqualify si AllCard,” paliwanag pa ng opisyal.
Matatandaang napaulat na ang proyekto ay nai-award ng DOTr sa Banner Plasticard, Inc. na mas mataas ang bid kumpara sa AllCard. Ipinaliwanag naman ni De Leon na sa ginawang pag-a-award ng kontrata ay ikinunsidera ng DOTr ang mga feedbacks mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong kumpanya hinggil sa performance ng mga bidders, pagdating sa pagtupad nila sa kanilang mga contractual obligations.
“Kaya po tayo napunta sa Banner ay sa kadalihanang nakatanggap tayo ng feedback mula sa iba’t-ibang kumpanya at ahensiya ng pamahalaan patungkol sa naging performance hindi lang ni Banner pati na rin ni AllCard,” ani De Leon.
“Kung anuman ang kanilang feedback, ‘yun ay ginamit ng ating BAC sa kanilang pagdedesisyon,” dagdag pa ng opisyal. Naisyuhan na ang Banner ng Notice to Proceed at inaasahan ng DOTr na makapagdedeliber ito ng hanggang isang milyong driver’s license plastic cards sa susunod na 60-araw, bilang bahagi ng kanilang unang delivery.