KINONTRA ng Department of Social Welfare (DSWD) sa mungkahi ng Department of Agriculture (DA) na bigas na lang ang ipamahaging ayuda sa mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Para sa DSWD, higit na mas praktikal ang kasalukuyang cash grant na ibinibigay para sa mga benepisaryo ng naturang programa ng gobyerno.
“We have to be honest din po na may implied logistical nightmare ito should we decide to distribute rice instead of cash,” wika ni DSWD Asst. Secretary for Strategic Communications Romel Lopez sa panayam sa Radyo5.
Sabi pa ni Asst. Sec. Lopez, ang rice subsidy para sa 4Ps beneficiaries ay ibinibigay ng cash upang makaiwas sa mahabang pila.
Ang P600 monthly rice subsidy ay ibinibigay sa mga qualified 4Ps members bukod pa ang education at health grants matapos makapag-comply sa specific behavioral conditions gaya ng pagdadala sa kanilang mga anak sa eskwelahan, pagdala sa health centers upang ipa-checkup at pagdalo sa Family Development Sessions (FDS).
Gayunpaman, nananatili naman aniyang bukas sng DSWD sa rekomendasyon ng mga partner stakeholders lalo pa’t layon ay mapagbuti pa ang implementasyon ng naturang programa.
Ipinunto din ni Asst Sec Lopez na anuman ang rekomendasyon, ito ay dadaan pa rin sa approval ng National Advisory Council (NAC).
Ang NAC ay kinabibilangan ng ibat ibang government agencies kasama na ang DSWD, Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Trade and Industry (DTI).
