
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN
MATAPOS ang mahabang deliberasyon, sinang-ayunan ng House Committee on Human Right ang mungkahi ng isang militanteng kongresista na padaluhin sa pagdinig ng Kamara sina former President Rodrigo Duterte at Senador Ronald dela Rosa para magbigay linaw sa madugong giyera kontra droga mula taong 2017 hanggang 2022.
“We have informed the former president of this hearing so he knows. For the fourth hearing, I will be inviting Sen. Bato dela Rosa and the former president to come and listen to your testimony,” wika ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante na tumatayong chairman ng komite.
Target ng komite ni Abante na bigyan ng pagkakataon ang dating Pangulo na sagutin ang mga alegasyon ng mga kaanak ng mga pinaslang na drug suspects sa ilalim ng nakaraang administrasyon, lalo pa’t sumalang na sa pagdinig ang mga naulilang pamilya ng mga namatay sa bisa ng Oplan Tokhang ni Duterte.
Sa pagdinig kanina, tinanong ni Abante sina National Union of People’s Lawyers – National Capital Region Secretary General Kristina Conti at Rubilyn Litao, na mula sa grupong Rise Up for Life and for Rights hinggil sa kung ano ang posibleng kaugnayan ng ex-President sa incidente ng EJKs.
“Naniniwala kami na dahil sa polisiya ng war on drugs o tokhang ng dating Pangulong Duterte kaya po naganap ang maraming pagpaslang,” ani Litao.
Sina Conti at Litao ang tumutulong sa pamilya ng daan-daang biktima ng summary executions kung saan ilan ang mga ito ang humarap na rin sa isinasagawang congressional inquiry kung saan ibinahagi ang malagim na karanasan.
“I would even suggest that later on we should invite the former president. Kayo po ba handa kayong humarap sa former president pag inimbitahan natin?” Ang tanong ni Abante sa mga testigong agad naman umayon na paharapin sa pagdinig ang dating Pangulo.
Agad naghain ng mosyon si Gabriela Rep. Arlene Brosas para hilingin na pormal na maiimbitahan sina Duterte at dela Rosa, na kinatigan naman ni ACT Teachers Rep. France Castro.
“Mr. Chair, I move to invite former president Rodrigo Duterte and, of course, Senator Bato dela Rosa para po sa pagsagot sa mga issues na ina-allege, mga issues na inihahatag ng EJK victims and their families,” ani Brosas.