Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN
SA kabila ng tariff cut na inilabas ng Palasyo para sa imported rice, tiniyak ng Kamara na mas magiging pursigido ang administrasyon sa pagbibigay ng ayuda at iba pang uri ng tulong sa mga magsasakang Pinoy sa layuning iangat ang antas ng pamumuhay ng mga nagbubungkal ng lupa.
Sa isang pahayag, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na mananatiling prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kapakanan ng magbubukid at ang pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura.
Para kay Romualdez, hindi matatawaran ang papel na ginagampanan ng mga lokal na magsasaka sa food security na isinusulong ng pamahalaan.
“Napaka importante for farmers to get all the support and the subsidies that we could provide para makahabol din tayo na maging rice self-sufficient,” ani Romualdez.
Makaasa rin aniya ang mga magsasaka na buo ang suporta ng Kongreso sa sektor na pinagmumulan ng pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilya.
“We are relying on them, and we assure them that Congress, government, the people are behind them,” sabi pa ng lider ng Kamara, na humarap sa media kasama sina House Committee on Agriculture Chair Mark Enverga (Quezon, 1st District) at Committee on Appropriations Chair Elizaldy Co (Ako Bicol Partylist).
Sa isang pulong balitaan, inihayag nina Enverga at Co na ang pagbabawas ng taripa sa ilalim ng Executive Order 62, na nagbababa ng buwis sa inaangkat na bigas sa 15 porsyento mula sa 15 percent, nang hindi makakapinsala sa kapakanan ng mga lokal na magsasaka.
Nagbigay din ng update ang mga kongresista kaugnay ng Rice Competitiveness Enhancement Program (RCEP) sa ilalim ng Rice Tariffication Law, na sadyang binalangkas at isinabatas para tiyakin may paghuhugutan ng pondong pantulong sa mga magsasaka.
Diin ni Enverga ang pangako ng administrasyon sa mga magsasaka na maglalaan ng mas malaking pondo upang suportahan ang sektor ng agrikultura at ang inaasahang mga pangangailangan upang mapanatili ang mga inisyatiba ng RCEP para sa 2024.
Ang kasalukuyang RCEF, na kilala rin bilang Rice Fund, ayon kay Enverga, ay naglalaan ng P10 bilyon taun-taon mula sa mga koleksyon ng taripa sa inaangkat na bigas upang pondohan ang makinarya sa pagsasaka, pagbibigay ng mas magandang binhi, at pagsasanay sa mga bagong teknolohiya sa agrikultura.
Ang RCEF ay mapapaso ngayong taon kaya nais itong palawigin ng Kamara. Kasama rin sa panukala ang pagtataas sa P15 bilyon ng pondong nakalaan kada taon para sa programa ng mga magsasaka.
Sa datos ng Bureau of Customs (BOC) umaabot sa P22 bilyon ang nakolekta sa unang limang buwan ng 2024, na lampas pa sa kinakailangang panukalang pondo para sa Rice Fund.
“Currently, there are P22 billion as stated by the [BOC]. At paalala po, June pa lang po ngayon, may taripa pa rin po, so may 15 percent tariff. Ibig sabihin, tataas pa rin ang collection for this year, so hindi po napapabayaan ang ating mga farmers,” paliwanag pa ni Enverga.
Binanggit din ni Enverga na ang pinakamataas na pondo na ibinigay sa pambansang programa sa bigas, bunga ng mga pagsisikap ni Marcos sa tulong ng pamunuan ng Kamara ay bahagi ng katuparan sa pangako ng administrasyon na palakasin ang sektor ng agrikultura.
Sinabi naman ni Co na ang malaking pinansyal na suporta at mga proyektong pang-imprastraktura para sa mga magsasaka ay nakahanda na rin para sa darating na taon.
“In fact, sa farmers na P10 billion tumaas pa po ng P22 billion as early as now. So wala pong kailangan na ikabahala ang ating mga farmers,” ani Co.
Binanggit din ni Co na patuloy ang inisyatiba ng National Irrigation Administration, kung saan nagsimula na rin ang contract farming na inaasahan makakapagbigay ng 200,000 metriko toneladang bigas na ibebenta sa pagitan ng P29 hanggang P34 kada kilo. Layunin ng pilot project na mapalawak ang tulong sa pamamagitan ng karagdagang suporta ng General Appropriations Act (GAA) of 2024.
Dagdag pa niya, ang paggamit ng solar fertigation na inaasahang magpapataas ng produksyon ng bigas ng 80 porsyento ng walang karagdagang gastusin sa mga magsasaka.
“‘Pag na-fertigate po natin lahat ng irrigated lands, lalagyan natin ng solar fertigation, that’s an additional of 80 percent production which is at no cost to the farmers. Libre po ang sa kanilang kuryente, libre po ang supply ng tubig,” aniya pa.
Sinabi rin ni Co ang layunin ng pamahalaan na tugunan ang mga pangangailangan ng mga ordinaryong mamamayan, bawasan ang epekto ng pandaigdigang inflation, at pagtiyak sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain.
Layunin di umano ng administrasyong Marcos na makamit ang target sa loob ng dalawang taon sa pamamagitan ng mga komprehensibong proyekto, kasama ang pagtatayo ng mga dam at malawakang hakbang sa pagkontrol ng baha na nagkakahalaga ng P350 bilyon.
“So hopefully within two years yung legasiya po ng ating Pangulo, yung legacy ng administration, na food security,” ayon kay Co.
“We will have it in two years, and the construction of the dam and yung alignment po ng convergence, which is around P350 billion of flood control projects. Pag nagawa natin within two years, we will be exporting rice na po. Tayo naman po ang magprepresyo ng mahal sa ating mga neighboring countries.”
