DISMAYADO pero hindi ikinagulat ng mga militanteng kongresista ang pagtutol ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa isinusulong na panukalang batas para sa dalawang araw na paid menstrual leave para sa mga babaeng empleyado.
Para kay Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, pinatunayan lamang ng ECOP na pinamumunuan ng negosyanteng si Sergio Ortiz-Luis Jr. na tama ang kanilang hinala – ayaw ng mga employers na bawasan ang kanilang kita.
Ayon kay Brosas, lahat ng mga panukalang batas sa Kongreso na nagsusulong ng benepisyo sa hanay ng mga manggagawa sa pribadong sektor, laging tinututulan ng grupo ni Ortiz-Luis.
“From our proposed wage increase to our recently filed menstrual leave, ECOP never fails to counter pro-worker measures in the name of maintaining super profits for big businesses,” patutsada ni Brosas sa lider-negosyante.
Sa ilalim ng House Bill 7758 na inakda ni Brosas, bibigyan ng dalawang araw na menstrual leave with pay ang mga kababaihang dumaranas ng sakit bunsod ng buwanang regla.
Sa sandaling ganap na maging batas, karagdagang 24 araw na bakasyong may bayad ang mga babaeng manggagawa – bagay na tinutulan ng ECOP dahil malaki umano ang epekto nito sa operasyon ng mga negosyante.
Giit ng ECOP, masyadong marami na ang leave ng mga manggagawa sa Pilipinas tulad ng vacation at sick leave na tig-15 araw, bukod sa mga holidays at iba pang uri ng bakasyon na may bayad.
Hindi rin nagustuhan ng mambabatas ang mungkahi ng lider ng ECOP na gamitin na lamang ang sick leave upang hindi maapektuhan ang mga operasyon ng mga negosyante.
Nadismaya rin ang militanteng kongresista kay Luis sa dagdag pahayag hinggil sa posibilidad na isara na lang ng naturang grupo ang pinto sa hanay ng mga kababaihang manggagawa.
“Gender preference and discrimination in the world of work should not be used as an excuse to deprive workers of reproductive health benefits. In fact, the existence of such gender inequalities should push the government to monitor and improve the implementation of policies which prohibit gender discrimination in the workplace.”