
MATAGAL nang talamak ang katiwalian sa Maritime Industry Authority (MARINA) kaya nagkakaroon ng trahedya sa karagatan. Kaya walang kaligtasan ang pasahero kundi man ang kapaligiran sa mga floating coffins na naglalayag sa tubigan.
Kung mayroon sanang malasakit ang mga taga MARINA sa pasahero at kapaligiran, hindi mangyayari ang mga trahedyang kumitil ng maraming buhay at sumira sa ekolohiya, sa loob ng ilang dekada.
Kumbaga, hindi na bago ang trahedya sa karagatan. Sana’y na ang karamihan dahil kahit anong ngawa ang gawin nila, kahit ilang balde ng luha ang umagos sa kanilang pagdadalamhati, babayaran lamang sila upang tumigil ang paghikbi ng pamilya ng biktima. Tatapalan lamang ng salapi ang matabil na bunganga ng pulitikong nag-iingay sa trahedya, bigla itong mananahimik.
Kasi nga, walang pagbabago, walang pinaparusahan, walang nananagot sa opisyal hindi lamang sa MARINA kundi maging sa Philippine Coast Guard at Department of Transportation. Turuan ang estratehiya upang mailihis ang tunay na responsibilidad, kaya walang nasasakdal kundi man, may ilang imbestigador ang nabubusalan sa trahedya.
Kaya ako, hangga’t walang naipakukulong na may-ari ng barko o opisyal ng gobyerno sa trahedyang nangyari, hindi lamang sa karagatan, kundi sa kalupaan at himpapawid, mananatili ang trahedyang kinatatakutan ng lahat.
Sa aking sapantaha, napapanahon na ang paglikha ng National Transportation Safety Board o Philippine Transportation Safety Board na mungkahi ni Senador Grace Poe, upang magkaroon ng ahensyang tututok sa mga kahalintulad na trahedya at magpapakulong sa mga may sala – kesehoda pa kung sino.
Huwag lang sana haluan ng pulitika, magiging maayos ang Board. Let’s keep our fingers crossed.
Pero para sa akin, mas matinding trahedya ang ang pagsusulong ng charter change na nakakubli sa economic provisions only. Kahit sinong tolongges, hindi maniniwala kay Senador Robin Padilla na tanging economic provisions lamang ang gagalawin sa pagbabagong ng Saligang Batas kahit walang problema dito karta.
Tulad ng karinderya, lahat pwedeng galawin basta nakabukas na ang tindahan. Kahit ang political provisions na mas nakakatakot mangyari dahil mapapalawig ang termino ng kasalukuyang administrasyon.
Daming kuda ni Sen. Padilla, kesyo magbibitiw sa PDP-Laban kapag hindi sinuportahan ng kasamahan, kesyo ganito, kesyo ganoon. Ibinandila pa niya na hindi mangyayari ang oil spill kung napalitan ang Saligang Batas.
Kahit anong sipat ang ating gawin, hindi ko makita ang lohika sa pagkukumpara ni Senador Padilla sa charter change sa oil spill. May nakikita ba kayong lohika?
Ikinatuwiran pa niya na mahigit 35 taon ang Saligang Batas, lumubog sa utang ng ating bansa. Mukhang natutulog sa pansitan si Sen. Padilla na hindi niya alam na pinakamalaking inutang sa lahat ng administrasyon ang panahon ni dating Pangulong Duterte na tadtad ng anomalya at ilang buwan ng kasalukuyang administrasyon.
Sir, nahalal ka at idol mo sa bisa ng Saligang Batas na gusto mong kalkalin, na sumumpa kang igagalang at ipaglalaban. Pero, ngayon gusto mong kalikutin upang pagsilbihan ang pansariling interes ng idol mo, HINDI NG TAUMBAYAN.
Charter change ang pinakamalaking trahedya sa pagtatapos ng Marso.