
Ni ESTONG REYES
WALANG plano ang bagong pamunuan ng Senado sawayin ang isinasagawang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs sa pangunguna ni Senador Ronald dela Rosa.
Ito ang garantiya ni Senate President Francis Escudero hinggil sa dokumentong nagdadawit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa ilegal na droga.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Escudero na nasa kamay ni dela Rosa bilang chairman ng naturang komite ang diskarte sa pagdinig.
“Sinabihan ko siya na opsyon niya palagi habang recess na maghain ng resolution at sa una o pangalawang araw lamang ng pag-resume namin, ire-refer namin sa komite niya para ‘di na makuwestyon ninuman ang pagdinig niya at mabigyan linaw nang konti ang pagdinig niya,” ayon kay Escudero.
“Pero kaugnay sa pagpigil, walang ganong intensyon,” dagdag niya.
Usap-usapan sa hanay ng mga mambabatas ang PDEA Leaks probe na di umano’y dahilan sa likod ng pagpapatslsik kay Senador Juan Miguel Zubiri bilang Senate President.