Ni LILY REYES
ARESTADO sa mga kabaro ang isang 48-anyos police official na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) bunsod ng inihaing reklamo ng motor taxi rider hinggil sa insidente nang pananakot, panunutok at pang-aabuso.
Kinilala ang suspek na si Captain Elario Loyosen Wanawan na nakatalaga sa District Mobile Force Battalion (DMFB) ng QCPD.
Sa reklamo ng rider na si Celso Acclan Banaira, binabagtas niya ang kahabaan ng Miller Street sa Barangay Bungad ng nasabing lungsod nang parahin di umano siya ng suspek at pwersahang pinababa ang kanyang pasaherong si Patricia Tagorda Respall.
Pagbaba ng pasahero, inutusan di umano siyang buksan ang compartment ng Honda Click na kanyang gamit bilang motorcycle taxi – bagay na kanyang munang tinanggihan nang mapansin na lasing si Loyosen.
Dito na umano nagalit ang pulis na habang kapit ang baril ay nagbantang siya’y papatayin kapag hindi sumunod.
Sa takot rider, binuksan ang compartment kung saan wala naman aniyang nakuhang anumang ilegal na kontrabando. Gayunpaman, di pa sila pinayagan ni Loyosen na umalis – eksenang nasaksihan mismo ng mga rumorondang tanod.
Agad na tumawag ang mga kawani ng Barangay sa QCPD Masambong Police Station na agad namang rumesponde at umaresto sa QCPD official.
