NAGKIBIT-balikat lang ng Malacañang sa mungkahing pagdedeklara ng state of national emergency para sa “temporary takeover” ng gobyerno sa industriya ng langis.
Para kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, walang makitang dahilan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kagatin ang hirit ng kongresista, lalo pa’t hindi pa naman umano umabot sa sukdulan ang sitwasyon sa bansa.
Patuloy rin aniya ang pakikipag-ugnayan ni Energy Secretary Sharon Garin sa mga opisyal ng oil companies.
“Sa ngayon ay wala pa po tayo sa ganoong sitwasyon dahil ang pamahalaan ay kinakausap ang mga oil companies,” wika ni Castro, kasabay ng giit na nakatutok ang administrasyon sa mga panukalang batas na magbibigay daan para mabawasan o suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Panawagan ni Castro sa publiko at sa mga mambabatas, iwasang manakot dahil kontrolado ng Pangulo at ng gobyerno ang sitwasyon sa epekto ng Middle East crisis.
