LAGLAG ang Grab Philippines sa talaan ng mga kumpanyang binigyan pahintulot ng Department of Transportation (DOTr) na makasali sa pilot study para sa operasyon ng Motorcycle Taxi sa bansa.
Ayon kay Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, Angkas, Joyride at Move It lang ang pinayagan sumali sa isasagawang pag-aaral kaugnay ng isinusulong na alternatibo sa public transportation.
Base sa liham ni Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chief Teofilo Guadiz na tumatayong chairman ng DOTr-Technical Working Group, laglag ang Grab Philippines na di umano’y gumamit ng tinatawag na “backdoor entry” para makapasok sa industriya.
Para kay Inton, higit na angkop ipatupad ang desisyon ng DOTr-TWG na limitahan ang motorcycle taxi industry sa mga lokal na kumpanya, kasabay ng panawagan sa Grab Philippines na irespeto ang pasya ng pamahalaan.
Samantala, bumisita naman ang mga corporate executives ng Grab Philippines sa Palasyo sa pag-asang kakatigan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hiling na pahintulutan ang naturang kumpanya na maging bahagi ng solusyon sa lumalalang suliranin ng bansa sa public transportation.
