NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“DAPAT lang siyang sumipot, manumpa, magsalita at mag-eksplika”
Ito binigyang-diin ni House Speaker Martin Romualdez, kasabay ng hamon kay Vice President Sara Duterte na dumalo sa pagdinig ng Kamara de Representantes at ipaliwanag kung paano ginastos ang P612.5 milyong confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
“Eh di dapat lang siyang sumipot at mag-oath at magsalita at mag-eksplika dahil lahat ng mga opisyales niya… siya lang yata may alam kung anong nangyari diyan sa mga pondo eh kaya dapat siya ang mag-eksplika,” pahayag ni Romualdez sa isang ambush interview sa Albay.
Ayon sa lider ng Kamara kasama ang mahigit 300 kinatawan, hindi dapat ipasa ni Duterte ang responsibilidad ng pagsagot sa mga kinukuwestyong paggastos sa kanyang mga tauhan.
“’Wag na niyang ibigay sa mga officials niya sa OVP at sa DepEd. Sana lang magsalita,” dagdag pa ni lider ng Kamara.
Iniimbestigahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kilala rin bilang Blue Ribbon Committee, ang di umano’y maling paggastos ng confidential fund ni Duterte.
Sa anim na pagdinig ng komite, isang beses pa lang dumalo si Duterte pero tumanggi manumpa na magsasabi ng totoo kaya hindi na tinanong ng mga kongresista.
Hindi rin dumalo sa pagdinig ang mga pinatawag na sina Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio, Special Disbursement Officer Gina Acosta, at mag-asawang Edward at Sunshine Charry Fajarda na pinaniniwalaang bahagi ng“inner circle” ng pangalawang pangulo.
Sa ika-anim na pagdinig ay humarap si OVP Undersecretary and Chief of Staff Zuleika Lopez pero todo-tangging may kinalaman sa paggastos ng confidential fund.
Dahil sa mga paiwas na pagsagot sa tanong ng mga kongresista, tuluyang na-cite in contempt ang punong alagad ng bise presidente.
Hindi rin pinalusot ng mga mambabatas ang liham ni Lopez sa Commission on Audit (COA). Sa naturang sulat, sinabihan ang COA na huwag maglabas ng sipi ng pagsusuri sa komite ng Kamara.
Mananatili sa detention facility sa loob ng Batasan Complex si Lopez hanggang sa Nobyembre 25.
