NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA siguradong matutulungan ang mga taong higit na nangangailangan ng gamot, iminungkahi ni AGRI partylist Rep. Manoy Wilbert “Wise” Lee ang pagtatatag ng isang medicine bank.
Sa inihaing House Bill No. 11082 (Medicine Bank Act), target ni Lee na magkaroon ng maayos na koleksyon ng donated pharmaceuticals at healthcare supplies, na siya namang ipamamahagi sa mga community health centers at sa mga government-owned and operated institutional facilities para mapakinabangan ng maralitang mamamayan.
Ayon kay Lee na panauhing tagapagsalita sa pagtitipon ng Integrated Philippine Association of Optometrists Inc. (IPAO), dapat tutukan ang koleksyon at distribusyon ng donated pharmaceuticals at healthcare supplies para sa mga mamamayang pasok sa kategorya ng vulnerable sector.
Ang medicine bank, paliwanag ng Bicolano lawmaker, ay siyang magsisilbing mega-hub para sa sistematikong pag-iimbak ng mga gamot, maging ito man ay prescription, non-prescription, at over-the-counter drugs, at iba pang donated items.
“Kapag naisabatas ito, hindi na magiging pahirapan para sa ating mga kababayan, lalo na sa mga nasa malalayong lugar ang access sa gamot, pati na sa panahon ng kalamidad. Kasama sa mga pagbibigyan ng mga gamot ang community health centers at government facilities. Hindi na kakailanganin pang bumiyahe at gumastos nang malaki para makabili ng gamot,” wika ng kongresista.
Sakaling maisabatas, Department of Health (DOH) ang responsable sa kustodiya at imbentaryo ng mga nasabing medisina.
