TAHASANG sinuway ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay House Deputy Speaker Janette Garin.
Panawagan ni Garin sa mga kapwa kongresista, isalang sa “congressional investigation in aid of legislation” si Herbosa sa patuloy na paglalamyerda sa iba’t ibang bansa sa kabila pa ng utos ng punong ehekutibo — ang pagbabawas ng biyahe para makatipid, higit lalo sa panahon ng krisis.
Partikular na tinukoy ng kongresista ang pagbiyahe ni Herbosa — kasama ang 14 na iba pa sa Switzerland para dumalo sa World Health Assembly sa lungsod ng Geneva sa naturang bansa.
“Hindi nga natin in-allow ang local travels (dahil sa krisis). Mas maganda nga ang local travels kasi ekonomiya ng Pilipinas ang matutulungan niyan,” ani Garin subalit itinuloy pa rin ni Herbosa ang biyahe sa Switzerland na isang international travel.
“If my memory recalls me right, he (Herbosa) is the most traveled health secretary of Department of Health with the highest number of entourage per travel,” ani Garin na dating kalihim ng DOH noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Habang nagtatrabaho ang iba, puro lakwatsa naman umano ang inaatupag ni Herbosa.
Ang masaklap pa aniya, sa pondo ng bayan hinuhugot ang gastos sa mga biyahe ng Kalihim. Tulad na lang umano ng pagdalo sa World Health Assembly kung saan kaladkad pa ang 14 na opisyales ng kagawaran.
Hindi rin nakalusot sa kongresista ang donasyon ni Herbosa sa WTA. Aniya, mas angkop na ginamit na lang ang perang donasyon sa pangangailangan ng mga pasyente sa mga pampublikong ospital sa bansa.
