Ni ESTONG REYES
PARA kay reelectionist Sen. Lito Lapid, napapanahon nang pagtibayin n Kongreso ang panukalang batas na nagtutulak ng wage standardization sa hanay ng mga opisyales ng higit sa 42,000 barangay sa bansa.
Bukod sa sweldo, iginiit ni Lapid na marapat lang bigyan ang mga barangay officials – mula sa kapitan ng barangay, mga kagawad ng sanggunian at mga puno ng iba’t departamento ng benepisyong iginagawad sa mga kawani ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sa isang talumpating binigkas sa Good Governance Summit-2nd Provincial Liga Assembly-Liga ng mga Barangay ng Northern Samar Chapter sa Seda Hotel, Quezon City kamakailan, partikular na tinukoy ni Lapid ang Senate Bill 270 (Act Standardizing the Salaries and Benefits of Barangay Officials) na kanyang inihain may isang taon na ang nakalipas – at nananatiling nakabinbin sa committee level.
Hirit ni Lapid sa pamunuan ng Senado talakayin na ang SB 270 bago pa man matapos ang termino ng mga mambabatas sa ilalim ng 19th Congress.
