Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, malinaw ang mensahe sa likod ng makasaysayang trilateral nina President Ferdinand Marcos, Jr., US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida – ang tiyakin ang pagtalima ng lahat ng bansa sa international law.
“This historic gathering serves not only as a powerful symbol of unity but as a clarion call for stronger international solidarity to reaffirm every nation’s unwavering commitment to upholding international law and the rules-based order, which are fundamental pillars for ensuring lasting peace, stability, and prosperity,” pambungad na pahayag ni Speaker Romualdez.
Ayon kay Romualdez, umaasa ang Kamara na ang palawak ng suporta mula sa international community sa panawagan para sa lahat ng partido na sundin ang rules-based order at freedom of navigation ay magbibigay-daan sa paghupa ng tensyon sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Giit ng lider ng Kamara, higit na kailangan masolusyonan ang usapin sa WPS na aniya’y may direktang epekto sa kabuhayan ng mga ordinaryong mangingisdang Pinoy na tanging kabuhayan ay ang pamamalakaya sa karagatang pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone (EEZ).
Dagdag pa ni Romualdez, ang WPS ay itinuturing na critical hub para sa global commerce batay sa ulat kung saan sinasabing aabot sa $5-trillion halaga ng kalakalan ang dumadaan kada taon – katumbas ng mahigit sa 60% ng global maritime trade at higit 22% ng total global trade.
Nanindigan din si Romualdez na mahalagang maitaguyod ang freedom of navigation sa lahat ng international waters sa rehiyon.
“The ability of nations to navigate freely is essential for trade, communication, and regional security. We trust that the meeting of the three leaders will prove productive in strengthening cooperation to safeguard this crucial right,” sabi pa ng Leyte lawmaker.
Aniiya, dahil sa malaking kahalagahan ng WPS sa global trade and commerce, mas maraming kasapi ng international community ang nakikiisa sa adhikaing magkaroon ng peace and stability sa rehiyon at isa sa patunay dito ang pagsama ng marami pang mga bansa 2024 Balikatan exercises.
Sa joint military exercise sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ngayon taon, nasa 11,000 US troops at 5,000 personnel naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nakatakdang lumahok.
Pasok din sa joint military exercises ang mga sundalo mula sa bansang France at Australia, habang mayroong 14 ally countries – na kinabibilangan ng Japan, South Korea, India, Canada, the United Kingdom, France, Thailand, Singapore, Vietnam, Indonesia, Brunei, Malaysia, Germany at New Zealand – ang tatayong tagamasid.
