
Ni Jam Navales
PARA kay AGRI partylist Rep. Wilbert T. Lee, wala ng mas gaganda pa sa Pasko ng mga Pilipino kung pagbibigyan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang hiling na ‘across-the-board’ increase na hanggang 30% sa lahat ng benefit packages ng ahensya sa mga mamamayan.
“This Christmas, bigyan naman natin ang mga kababayan natin ng peace of mind, regaluhan natin sila ng assurance na ‘pag nagkasakit sila, sagot ang gastos nila ng PhilHealth,” hirit ni Lee.
“By paying these hospitals and increasing the benefits of PhilHealth members, we are giving a truly meaningful Christmas gift to millions of Filipinos: quality affordable healthcare. In a society where both the rich and the poor have access to proper medical treatment, Winner Tayo Lahat,” dagdag pa ng Bicolano lawmaker.
Ginawa ni Lee ang pahayag kasunod ng anunsyo ng PhilHealth hinggil sa nakatakdang pulong ng PCSO Board of Directors (BOD) kung saan tatalakayin ang panukalang pagtataas sa rate case ng health benefits ng naturang ahensya.
Nauna rito, personal na lumiham ang neophyte partylist solon sa PhilHealth noong Oktubre 23 kung saan inirekomenda ang implementasyon ng 20 hanggang 30 percent across the board increase ng mga benefit package at coverage nito.
Inihain na rin ang kongresista ang House Resolution 1407 nitong nakaraang October 26 para himukin ang PhilHealth na i-update ang health coverage, kasabay ng giit na hindi na akma sa kasalukuyang panahon ang umiiral na rate case sa actual hospitalization cost ng kanilang beneficiaries.
Sa naging pagtalakay ng Kamara para sa budget na ilalaan sa Department of Health (DOH) sa susunod na taon, isiniwalat ng AGRI partylist congressman na sa kabila ng P466-B halaga ng investible funds at P68.4-B net income ng PhilHealth, marami pa rin ang nagrereklamo sa kabiguan ng huli na bayaran ang pagkakautang sa ilang pagamutan.
Kaya naman naniniwala si Lee na mayroong sapat na pondo ang naturang ahensya para matustusan ang pagtataas sa rate case nito partikular ang pagpapatupad ng ‘across-the-board’ increase sa lahat ng ipinagkakaloob nitong benefit packages.
“Lagi kong sinasabi, our role in government is to lighten the load of our constituents at hindi dapat tayo pabigat.”